Work Text:
Tobio,
Hindi kita mahal. Naaabala man ako sa impormal kong pagbati sa iyo sa liham na ito, hindi ko pa rin kayang itulak ang sarili ko na batiin ka ng “Mahal kong Tobio.” Hindi kita mahal.
Hindi. Ngunit naguguluhan ako sa aking nadarama. Naiinis ako sa iyo. Napapasinghap ako sa tuwing nasisilayan ko ang iyong mga ngiti na kay dalang kung dumating; at hindi ko alam kung bakit. Siguro nagugulat lang ako sa iyong pagngiti. Hindi ko alam.
Pero mas naguguluhan ako sa pagsikip ng dibdib ko nang maabutan kita kanina na umiiyak sa likod ng puno at pilit na nilulunok ang iyong mga hikbi kahit wala namang ibang tao ang maaaring makarinig sa iyo.
Naguguluhan ako. Lalo na nang makita ko ang mga namumulang mata mo nang magtama ang ating paningin. Hindi ko alam, ngunit hirap na hirap akong pigilan ang aking mga daliri sa pag-abot sa iyong mukha upang pawiin ang mga luhang nagmamantsa sa iyong mga pisngi.
Mas kataka-taka ay ang katotohanang hindi ko napansin ang ninanais kong gawin hanggang sa tumayo ka at itinulak ako palayo bago umalis. Hindi ko maintindihan ang mahinang pagkirot ng aking dibdib habang pinapanood kitang maglakad papalayo sa akin.
Naguguluhan,
Tsukishima Kei
💌
Tobio,
May gusto ako sa iyo. Hindi ko alam kung bakit at kung paano nangyari, ngunit alam ko na may nararamdaman ako para sa iyo. Kahit ang sungit mo at laging masama ang tingin mo sa akin, bakit nahulog pa rin ako para sa iyo? Naguguluhan pa rin ako, ngunit hindi na katulad nang dati. Puro kaguluhan lang ba ang makukuha ko sa iyo?
Matapos kitang masaksihan na umiiyak mag-isa sa likod ng isang malaking puno, walang nagbago sa iyong pakikitungo sa akin. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi. Masama ba na maghangad ako ng kaunting atensyon mo? Inasahan ko na pagkatapos ng interaksyon natin na iyon ay mas madalas mo na akong kakausapin, ngunit nagkamali ako. Tulad ng maraming bagay na inaakala ko sa iyo, mali ako.
Hindi kita mahal, ngunit alam ko na gusto ko ang mapasaiyo. Kahit panandalian lamang, nais kong maramdaman ang init ng iyong mga bisig na nakayakap sa akin. Nais kong masilayan ang iyong mga mata nang hindi ito nag-uumapaw sa luha. At nais kong malaman ang pakiramdam ng pagdampi ng iyong mga labi sa aking balat. Nais ko ang ika’y maramdaman. Nais ko ang makilala ka. At nais ko ang mapasaiyo.
Hindi ko alam kung posible ba na mangyari ang aking mga hiling dahil hindi ganoon kaganda ang ating pagkakaibigan. Ang mga pag-uusap natin ay puno ng bangayan at asaran. Totoo ba ang inis na nararamdaman mo para sa akin, o katulad kita na nagpapanggap din? Kung tunay nga na naiinis ka sa akin, sana ay matutunan mong makalimutan ito, at sa halip ay maalala mo kung paano ako magustuhan tulad ng pagkagusto ko sa iyo.
Sumasaiyo,
Tsukishima Kei
💌
Mahal kong Tobio,
Mahal kita. Nakakalula pala ang pagmamahal. Nang mapagtanto ko ang aking nadarama para sa iyo, pakiramdam ko ay patuloy akong nahuhulog sa walang hanggan nang walang anumang magsasalba sa akin. Alam mo ba iyong pakiramdam sa iyong dibdib kapag ika’y nakatayo sa mataas na lugar? Ganoon ang pakiramdam ko nang mahampas ako ng katotohanan.
Nakakatawa; akala ko noon ay sa mga pelikula at mga libro lamang nangyayari ito, ngunit nang mangyari sa akin ay hindi ako makapaniwala. Alam mo ba kung paano ko nalaman na mahal na pala kita? Kung mababasa mo man ito, sigurado akong tatawa ka lamang o tatawagin akong sinungaling. Ngunit Tobio, mahal kong Tobio, lahat ng mga susunod kong isusulat ay purong katotohanan at walang halong biro.
Nangyari ito noong isang linggo habang ako, si Tadashi, si Shoyou, at si Hitoka ay nakaupo sa loob ng sala de bisita ng inyong bahay. Tutok na tutok ka sa pagsusulat ng liham para sa iyong mga ate na lumuwas upang libutin ang siyudad. Ilang beses nang tinatawag ni Hitoka ang iyong pangalan ngunit tila hindi mo siya naririnig at patuloy ka pa rin sa pagsusulat. Nakakunot ang noo mo at nakanguso ang iyong mga labi habang nagsusulat ka. Kinalaunan, ako na ang tumawag sa iyo. Kung totoo man ang Diyos, nais kong magpasalamat na lumingon ka nang sambitin ko ang iyong pangalan. At nais kong magpasalamat na tayo’y nakaupo sa kinauupuan natin noong mga oras na iyon; dahil nang iangat mo ang iyong ulo at nagtama ang ating mga mata, pakiramdam ko ay tumigil ang pag-ikot ng mundo at bumagal ang pagtakbo ng oras. Ginintuan ang sinag ng araw nang kumulay ito sa iyong mga pisngi. Napakadaya, tila ipininta ni Amorsolo ang iyong buong pagkatao sa iyong ganda. Mahiwaga ka, Tobio.
Kung hindi man ako mapasayo, kahit papaano, sana ay mabigyan ako ng pahintulot upang masilayan ka nang panghabangbuhay.
Namamangha,
Tsukishima Kei
💌
Mahal kong Tobio,
Nakabibighani ang iyong tinataglay na ganda. Hindi man halata, ngunit natatanga ako sa tuwing lumalapit ka at nakikita ko nang mas maayos ang iyong mukha; bawat pilikmata sa paligid ng iyong mga mata, bawat hibla ng kilay sa iyong noo, at bawat nunal na tumutuldok sa iyong pisngi. Sa maikling oras na nasisilayan ko nang mas malapit ang iyong mukha, palalim ako nang palalim sa dagat ng iyong mga mata; walang pag-asa ng pagsalba.
Tobio, mahal kong Tobio, sana ay hayaan mo akong tawagin kang ‘mahal’ kahit nakareserba lamang ito sa loob ng mga liham na isinusulat ko para sa iyo.
Mahal. Napakasarap banggitin; paulit-ulit hanggang sa magsawa ang aking mga labi at dila sa paggalaw upang matawag ka lamang. Mahal; mahal na mahal kita. Higit pa sa higit, malalim pa sa malalim. Nakakabaliw.
Mahal, kumusta ka? Isang linggo na tayong hindi nagkikita. Nasasabik na akong makita kang muli, mabigyan ng pagkakataon na masilayan kang muli, at, kung papayagan, mahawakan ang iyong kamay.
Napakatagal na noong una at huli kong mahawakan ang iyong kamay. Naaalala mo pa ba? Noong nasugatan ako habang nagluluto para sa ating magkakaibigan nang ipagpilitan nina Hitoka, Tadashi, at Shoyou na lahat kayo ay samahan ako sa bahay dahil ako lamang ang mag-isang nanatili sa bahay? Naaalala mo pa ba, mahal, noong bigla mo akong hinila papunta sa lababo upang hugasan ang aking sugat? At kahit mayroon kang naiinis na ekspresyon sa iyong mukha, banayad at magaan ang bawat haplos ng iyong mga daliri sa aking kamay. Nagpapasalamat ako na hindi mo inangat ang iyong tingin sa akin noong oras na iyon dahil sigurado akong mapapansin mo ang matinding pamumula ng aking mga pisngi. Nang bitawan mo ang aking kamay pagkatapos itong punasan at takpan ng maliit na gasa ang aking sugat, naramdaman ko ang pagbabalik ng lamig sa aking katawan; sensayon na nararamdaman ko lamang tuwing hindi mo ako hinahawakan.
Mahal, nilalamig ako. Kung sasabihin ko ba sa iyo ito ay yayakapin mo ako at hahawakan sa buong magdamag? Mahal, sobra-sobra na ba kung hihilingin ko sa mga nagniningning na bituin ang mahawakan ka kahit isang gabi lamang?
Mahal, mahal na mahal kita. Higit pa sa higit. Malalim pa sa malalim. Maalab pa sa maalab.
Mahal, isang karangalan ang mahalin ka.
Nagmamahal,
Tsukishima Kei
💌
Mahal kong Tobio,
Hindi ako naniniwala sa tadhana. Isang kasalanan para sa akin ang pagbibigay tiwala sa diyos na ito.
Ngunit, mahal, marahil ang pinakamalubhang kasalanan ko na ay ang hindi ko paglaban; ang pagsuko nang hindi man lamang sumusubok.
Patawarin mo sana ako sa pagpapalamon ko sa takot. Sa takot na marinig sa iyo ang mapait na katotohanan na kahit kailan ay hindi mo maibabalik ang pagmamahal ko para sa iyo.
Patawarin mo sana ako sa aking pagtakbo palayo. Palayo sa mga kamay mong kahit kailan ay hindi dumampi sa aking mga pisngi upang pawiin ang mga luhang bumubuhos lamang para sa iyo.
At higit sa lahat, patawarin mo sana ako sa aking pagmamahal sa iyo nang lubos. Lubos-lubos na kahit kailan ay hindi matitibag ng sinumang diyos o anumang unos.
Patawad, mahal, kung mananatiling nakatago ang mga liham na ito sa loob ng pinaglumaang kahon sa sulok ng pinakamatandang aparador sa aming bahay, katulad ng pagtatago ko sa aking pagmamahal sa iyo sa loob ng napapagod kong puso sa kailalim-laliman ng naghihingalong dibdib.
Patawad, mahal, kung sa araw na kakayanin ko nang bitawan ka ay magpapasya akong sunugin ang mga salitang nakapaloob sa lahat ng mga liham na ito upang makaramdam muli ng init matapos ang ilang taong pagdanas ng lamig.
Patawad, mahal, kung hindi pa ngayon.
Iyong-iyo,
Tsukishima Kei
💌
Tsukishima Kei,
Isa kang malaking tanga. Noong umulan ng katangahan sa mundo, nagdala ka ng sabon at naligo sa tubig-ulan. At tila hindi ka pa nasiyahan sa ginawa mo kaya kumuha ka pa ng isang galon na bote upang hakutin ang tubig para iyong inumin sa mga susunod na araw.
Isa kang malaking tanga. Ngunit mas malaking tanga yata ako sa dami ng taon bago ako nakaramdam na baka tinitignan mo ako tulad ng pagtingin ko sa iyo.
Kei, ikaw ang nag-iisang dahilan kung bakit ko minahal, minamahal, at patuloy na mamahalin ang buwan.
Kei, mahal, isang karangalan ang mahalin ka.
Naghihintay,
Kageyama Tobio
P.S. Alam mo na kung saan ako mahahanap. Aasahan ko ang pagdating mo, mahal.
