Work Text:
“Presi! Sama ka? Dadaan kami sa bayan para kumain.”
Palabas na si Jaemin sa campus nang ayain siya ng mga kaklase. Ala-sais na rin at medyo madilim na dahil tulad nga ng sabi, kapag –ber months ay mas mahaba ang gabi kaysa umaga kaya maaga rin kung dumilim ang langit.
Gutom na rin naman si Jaemin, hindi siya nakakain nang maayos kaninang tanghali dahil sa mock defense nila na inasikaso niya pa para maging maayos. Tatanggapin na sana niya ang paanyaya ni Gigi nang mahagip ng mata niya ang isa sa kaklase nila na nakakunot ang noo na akala mo’y galit sa mga dumadaan na jeep. Napatawa siya sa sarili at umiling. Hindi na naman ‘to makakauwi agad.
“Sa susunod na lang, kailangan ko makauwi agad e. Ingat kayo!” Paalam niya sa kila Gigi bago tumawid at lumapit sa lalaki na ngayon ay nakasimangot na.
Hindi maiwasan ni Jaemin na mapangiti sa itsura ngayon ni Renjun. Dahil malamig na rin ang simoy ng hangin, suot niya ang oversized grey jacket at sa ilalim nito ay ang coat na gamit niya kanina sa defense. Bitbit din nito ang kanilang research paper at nakasukbit naman sa isang balikat ang brown backpack nito. Ang cute talaga kahit nakasimangot.
Close naman si Jaemin sa lahat ng kaklase niya, kasama na ron si Renjun. Pero ibang closeness kasi ang gusto ni Jaemin kaya kada may oportunidad ay sinusubukan niyang gumawa ng mga bagay para kay Renjun na higit pa sa pagkakaibigan ang iisipin ng iba. Sa katunayan nga ay alam na ata ng buong block nila na crush na crush niya ang binata kaso ay parang wala naman alam si Renjun dahil nakapokus lang ito sa pag-aaral.
Nakita ni Jaemin ang jeep na sasakyan na dapat ni Renjun para makauwi kaya tinaas niya ang kanyang kamay para pumara. Tumigil ang jeep sa harap nila kaya naman hinila niya ang hoodie ni Renjun para makasakay sila. Bakas sa mukha ni Renjun ang gulat dahil hindi niya namalayan na nasa tabi na pala niya si Jaemin. Nagpatinaod siya sa hila ng lalaki kaya nakasakay silang dalawa. Mabuti na lang at may bakante pa dahil nakakahiya naman bumaba ulit kung hindi na sila kakasya.
Nagbayad si Jaemin ng sapat na pamasahe papunta sa lugar nila Renjun para sa kanilang dalawa.
“Hala, hindi naman kailangan. Ako na dapat ang nagbayad ng pamasahe ko.” Nahihiyang sambit ni Renjun habang inaayos ang kanyang bag sa kandungan.
Ngumiti naman si Jaemin at umiling. “Libre ko na kasi natapos natin yung mock defense nang maayos.”
Isang bayan lang ang layo ng bahay ni Jaemin sa university nila samantalang tatlong bayan pa ang kay Renjun. Tuloy lang ang kwentuhan nila tungkol sa nangyari ngayong araw hanggang sa makarating na sila sa babaan ng jeep sa bayan nila Renjun.
Si Jaemin din ang pumara sa kanilang dalawa. Pagbaba nila sa tapat ng 711 ay si Renjun naman ang humila rito papasok.
“Dahil libre mo pamasahe ko, libre ko na dinner mo. Para busog ka pagsakay mo pabalik sa inyo.” Wika nito na nagpatigil kay Jaemin. Alam niya? Naramdaman ni Renjun ang paghinto ni Jaemin kaya napatawa ito. “Oh bakit? Akala mo ba hindi ko alam kung saan ka talaga nakatira, presi?”
“Kelan mo pa alam?” mukhang tangang tanong ni Jaemin.
“Magkagrupo tayo last sem tapos sa inyo tayo gumawa ng project dahil ikaw pinaka malapit sa campus. Nakalimutan mo na?”
Mahinang napatawa si Jaemin at napakamot sa kanyang ulo. Buking na pala siya matagal na. Muling naglakad papasok si Renjun at tumungo agad kung nasaan ang mga instant food. Kumuha siya ng dalawang sisig meal at binayaran ito sa counter. Nakita niya na umupo si Jaemin sa bakanteng table sa gilid ng glass wall kaya dumeretso siya agad doon.
“Oh. Hindi mo naubos lunch mo kanina kaya paniguradong gutom ka na.” binaba ni Renjun ang bagong init na pagkain sa lamesa at ang kanyang bag naman sa tabi niya. Binuksan niya ang zipper at inilabas ang kanyang tumbler at inabot din kay Jaemin. “Inom ka rin muna pala dahil maghapon kang nag-asikaso, nakalimutan mo na magtubig.”
Hindi makapaniwala si Jaemin na inaasikaso siya ng crush niya. Nagpasalamat siya rito at pasimpleng kinagat ang labi dahil kinikilig talaga siya.
Makalipas ang ilang minutong katahimikan ay hindi na napigilan ni Jaemin ang sarili. Tumikhim siya para makuha ang atensyon ng nasa harapan niya. “Edi alam mo rin na gusto kita?” Ramdam niya ang pamumula ng kanyang pisngi pero hindi niya iyon pinansin at itinuon lang ang atensyon kay Renjun na ngumunguya habang nakangiti sa kanya. Tumango ito sa kanya at lumunok. Binuksan nito ang tumbler at uminom doon na mas lalong nagpapula ng pisngi ni Jaemin dahil doon din siya uminom kanina.
“Oo. Hindi mo naman kasi talaga itinatago, ‘diba? Halatang-halata ka, presi.” Tumawa ito kaya napatawa na rin si Jaemin. Akala niya talaga ay hindi napapansin ni Renjun. “Malabo lang mata ko pero kita kita.”
“Sorry, baka hindi ka komportable sa mga—“
“Wala naman akong sinabi. I find it cute pa nga. Palaging sinasabi nila Chenle sakin na gusto mo nga raw ako kaya noong napansin ko yung pagkakaiba ng trato mo sa akin sa mga kaklase natin ay naniwala rin ako.”
Matapos nilang kumain ay lumabas na sila para mag-abang naman ng jeep pabalik sa bayan nila Jaemin. Hinubad ni Renjun ang suot na jacket at ipinatong niya iyon sa balikat ni Jaemin.
“Malamig. May coat ako, ikaw wala. Sayo na muna ‘yan.”
“Salamat.”
May huminto na jeep sa tapat nila na pabalik. Bago pa makasakay ulit si Jaemin ay tinawag siya ni Renjun.
“Presi! Gusto rin kita. Pag-usapan natin sa susunod, Ingat ka sa pag-uwi!” Sambit nito na may malawak na ngiti.
“Salamat. Bukas ulit.” Tuluyan nang sumakay si Jaemin. Sumilip siya sa bintana at kumaway kay Renjun na sinuklian din naman nito ng kaway pabalik. Hanggang pag-uwi ay hindi na mabura sa labi ni Jaemin ang ngiti.
Gusto niya rin ako.
