Chapter Text
Tatlong beses.
Iyon lang ang kayang sabihin ni Baekhyun tuwing tatanungin siya kung ilang beses siyang nagmahal sa buhay niya.
Una— noong nakilala niya si Chanyeol. Nalaman niya lahat ng mga bagay na nagpahulog lalo ng loob niya rito. Mga bagay na akala niyang sa panaginip o mga pelikula niya lang pwedeng makita.
Pangalawa— noong nasaksihan niya ang mga pagkukulang nito bilang tao, karelasyon at lahat ng mga bagay na hindi niya gusto. Kahit hindi iyon nakalinya sa mga bagay na pinangarap niya, pinili niya pa ring mahalin si Chanyeol sa kabila ng mga hindi nila pagkakapareho.
Pangatlo— noong nawala na ito sa kanya. Nang piliin nilang pareho na tahakin ang buhay na hindi magkasama, kahit pa hindi iyon ang pinangako nila sa isa’t-isa.
Akala ni Baekhyun ay iyon na ang magiging katapusan ng buhay pag-ibig para sa kanya dahil wala naman na iyong magiging saysay pa kung hindi lang din silang dalawa ni Chanyeol ang magkakatuluyan pero mali siya.
Kaya niya palang umubig muli; nang hindi binibilang, nang walang pag-aalinlangan, na may masayang puso at kasiguraduhan lamang na mamahalin niya si Bailey— ang anak niya, habangbuhay.
Minsan, isa iyong depenisyon ng walang hanggang pag-ibig. Ang pagmamahal bilang isang magulang.
Kaya naman sa hindi inaasahang pagkikita nilang muli ng una at huling lalaking minahal niya, isa lang ang kayang sabihin ni Baekhyun.
“Wala akong naging pagsisisi kung paano tayo natapos noon. Kung hindi tayo, huwag naman sana nating ipagkait sa mga bata.”
Dahil minsan rin, mapaglaro ang buhay.
Sa dami ng tao sa mundo… ang anak pa talaga ni Chanyeol ang piniling mahalin ng anak niya— at wala silang gagawin kundi ang tanggapin iyon.
