Actions

Work Header

tila tala

Summary:

Tala,

Sa bilyon-bilyong bituin na langit, ikaw ang talang lagi kong titingalain.

---

an epistolary

Notes:

posting my first fic here !! ;:: hehe : 3 this was written for our valentine kolek but i thought i might post here as well (irls please look away) capkrys u have my lifeee

note: a playlist for this darling !

(See the end of the work for more notes.)

Work Text:

Tala,

Napaisip lang ako. Imposible na atang makalimutan ko noong una kitang makita.

Paano ba naman? Nasa maliit na kapehan pa ako noon nang nagsimula pumatak ang mga tubig mula sa langit. Ambon lang naman, pero dahil nga mabilis bahain ang mga kalsada rito, walang pinagkaiba — pahirap pa rin. Basa na noon ang mga laylayan ng pantalon ko, nilalakad ang papalakas na ulan. Ni payong ba naman, nakalimutan ko pang magdala. Wala na akong ibang choice kundi takbuhin ‘ang pinakamalapit na waiting shed dito. Salamat naman, tsaka na lumakas mula sa ambon ang ulan ng makasilong na ako sa hintayan.

Pero hindi pa rin ako tinantanan ng kamalasan noon umagang ‘yon. Ilang jeep na ba ang linagpasan ako kasi puno na raw sila? Hindi ko na mabilang! Paunti-unti na lang kaming nasa waiting shed, wala pa ring sasakyan na dadaan sa ruta ng pupuntahan ko. Hindi na ata kakayanin ng bulsa ko kung doble-doble pa na jeep ang sasakyan ko. Hindi ko na maalala kung ilang dasal na ang ginawa ko. Basta ang hiling ko lang noon — sana may huminto nang jeep at may makatabi akong mabango at mukhang naliligo.

At para namang himala na nakinig si Lord sa mga dalangin ko. Nang makasakay ako sa jeepney, ikaw ang katabi ko.

Hindi ko alam kung saan pa ako nakakuha ng ganang kiligin nung pinaabot mo sa akin 'yung bayad mo. Siksikan sa jeep at late na ako. Nasa isip ko pa non, "'wag naman sanang magpagas pa si manong driver 'no?" Pero kung tutuusin man, okay lang din siguro.

Ang ganda mo kasi, Tala.

Bagay na bagay 'yung salamin mo sa kulay tsokolate mong mata—siguro mas kikinang pa sila kung nasa ilalim ka ng araw. Na-conscious din ako sa sarili ko noon kasi dahil nga sa siksikan, nagpakilala agad sa akin ang amoy rosas mong halimuyak. Malay ko ba! Baka kung anong amoy ko nung araw na 'yun. Gusto ko ngang tanungin kung anong pabango mo, kaso baka isipin mong weird ako—ililibing ko na lang ang sarili ko nang buhay kung ganon.

Iniisip ko rin, kung iinumin ko pa yung kape na hawak ko, baka naman umiral kapalpakan ko at matapunan pa kita. Nakakahiya! At mas naiinis pa ako sa sarili ko dahil sa kung ano-anong iniisip ko noong umagang 'yon. Sana hindi ka nagagalit kung binabasa mo man 'to ngayon.

Iyon ata 'yung pinakamasayang byaheng jeepney ko sa buong buhay ko. Kahit bumaba ako nung sasakyan noon na amoy biscoff espresso ang pantalon.

Kahit anong sabihin mo, ipipilit ko pa rin na hindi mo kasalanang matabig 'yung kape ko. Maulan na nga, traffic pa—pahinto-hinto yung sasakyan at dali-dali kung magpreno. Pasalamat ko na lang na sa pantalon ko natapon 'yung kape at hindi sa bag ko at kulay puti mong saya.

Kaso hindi mo ata nagustuhan nung sinabi ko 'yon. Mas lalo lang nakulayan ng pangamba at konsensya ang maliit mong mukha, idagdag mo pa kung ilang beses ka humingi ng paumanhin sa sasakyan. Feeling ko nga pinagtitinginan na tayo nung mga kasama natin sa jeep. Abutan mo naman ba ako ng sandamakmak na tissue! Kulang na lang isipin ko na baka anak ka ng isang manufacturer sa dami ng supplies mo. Hindi ko mapigilan tumawa nang kaunti kasi sa totoo lang, ang cute mo. Ang attentive mo habang nag-aalala ka pa rin sa akin.

Gustuhin ko namang mag-delusyon kada kumustahin mo kung okay lang ako... late na talaga ako sa event, mags-set-up pa ako ng booth ko!

Siguro kamalasan din na sa jeep kita unang nakita—Tala, ayoko nang pumara habang nakasakay ka. Hanggang hiling na lang ba na sana sabay tayo bumaba pagliko sa may rotunda? O kung sino man ang mauna sa ating dalawa pumara, sana naman kumaway ng paalam na may kasamang maliit na ngiti sa labi. Ibabahala ko na lang sa tadhana kung magkikita pa tayong dalawa.

Nagsimula na ulit tumirik ang araw, sumisilip sa mga ulap. Kasama ng pagpara ko sa jeepney noon ang pagtanggap na maaring huling biyahe ko na iyon kasama ka.

Hanggang sa makita ko na bumaba ka rin ng sasakyan matapos ko.

Ang dami kong nasa isip noon, Tala. Ang daming tanong. Bumaba ka rin ba kasi iniisip mong may kasalanan ka pa rin sa akin o sadyang itinadhana lang tayo para sa isa't isa?

Nung patawa mong pinuna na pareho lang pala tayo ng bababaan, nagdadasal na ako kay Lord na sana hindi ako humimlay on the spot.

Inaya mo pa ako para mag-almusal, kamo libre mo kapalit ng natapon mo na kape. Parang nagblack-out 'yung utak ko at puro tibok ng puso ko na lang ang naririnig ko. May awa ka ba sa akin, Tala? Hindi pa ba halata na ilang kisapmata mo na lang, bibigay na ako?

Bulong ko sa utak ko noon, kakain tayo, tapos ano? Magiging magkaibigan ba tayo—’yung tipong sanggang dikit na nag-uusap mula umaga hanggang madaling araw? Aabot ba tayo sa punto na tatanungin natin ang mga sarili natin kung ano ba talaga tayo?

Maghapon tayong kakain ng almusal, kung ako lang ang masusunod…

Paano ba naman, agad naputol ang mga pantasya ko nang tumunog na ang cellphone ko. ‘Yung mga kaibigan ko sa event, tinatanong na kung nasaan ako, kamo may mga tao na raw.

Wala namang plywood sa pagitan natin pero ramdam ko nang ito ang daan ng tadhana para ibulong na hanggang dito na lang talaga. Halata ang dismaya sa mukha mo noong nagpaalam ako sa ‘yo, pero ngumiti ka pa rin at humingi ulit ng paumanhin. Pinilit ko na wala lang ‘yun, malayo sa bituka. Hindi mo lang alam, pero sa kurap pa lang ng mga mahaba mo na pilikmata, sa maamo mong mga mata—pinatawad na kita.

Patakbo ako pumunta sa venue noon, parang any minute, sasabog ang mukha ko sa init. Tiwasay naman akong nakarating noon, kumustahan dito, kumustahan doon, at tsaka rin nakapagset-up sa stand ko. Walang masyadong nangyari, maliban sa mga kilala ko dito na pinuna bakit kamo amoy kape raw ako. Ang sagot ko, natiyempuhan lang ng kamalasan ngayong umaga. Pero ang totoo niyan, kung kamalasan ang kapalit para lang makilala kita—ako na yata ang pinakamaswerteng tao sa mundo, ikaw na ‘yan eh.

Doon ko rin napagtanto, ni hindi ko man lang pala natanong kung ano ang pangalan mo noon.

Nawalan na ako ng pag-asa na magkikita pa tayo ulit. Siguro nga, isa ka lang sa mga tao na isang beses ko lang rin makakasama sa maliit na panahon sa buong buhay ko. May ganoon ‘di ba? Ewan, basta! Sabi ko noon na sa utak ko, tatawagin na lang kitang the one that got away. Pagpasensyahan mo na ang mga delusyon ko noon, pero tinanggap ko na lamang na sansinukob na ang nagdesisyon na hindi na tayo magkikita pa uli.

Pero hindi ka nagpa-awat, Tala. Ikaw at ‘yang kulay kape mong mga mata.

Hindi ko alam kung inaasar lang ako ng tadhana. Nasa langit na ba ako at masyado akong pinapagbigyan ng Diyos? Tanggap ko naman na hindi na tayo magkikita—pero hindi, ramdam ko at halata rin ang gulat sa mukha mo noong papalapit ka na sa stand ko.

Aakalain ko na sinundan mo ako, pero pati ikaw nagulat din nang makita ako. Muli, humingi ka ulit ng paumanhin. Pero ’yung pag-aalala mo ay agad natakpan rin ng… pananabik nang makita mo ‘yung mga trading cards na paninda ko.

Unang beses ko noon nakita ang malawak mong ngiti, ‘yung kita nang kaunti ‘yung gilagid mo at pantay-pantay mong ngipin. Halata ‘yung saya mo nung sinabi mong minsan ka lang makakita ng card collector dito sa lugar natin. Ang dami mo pang tinanong sa akin, kamo sino ‘yung paborito kong character, kung anong rare card ‘yung hindi ko io-offer, kung anong collection ‘yung nakumpleto ko na—nahanap ko na lang ang sarili kong nakangiti habang sinasagot ka.

Hindi ko alam kung anong ginawa ko sa past life ko, pero pinapasalamatan ko siya na nakilala kita sa buhay kong ito ngayon.

Ilang buwan na ba simula nang makilala kita? Anim na siguro, halos kalahati na rin ng isang taon. Nang malaman ko agad noon ano ang pangalan mo, inisip ko agad na doon ata nanggaling bakit may mga bituin sa mata mo. O baka naman dahil hulog ka ng langit sa pagkatao mong puno ng pagmamahal. Sa anim na buwan na nakilala kita, tanggap ko nang kahit hanggang kaibigan mo lang, sapat na sa akin.

Kasi gusto kita, Tala.

Sino bang hindi mahuhulog sa kinang ng mga matang ‘yan? Sa mga yakap mo na animong tamang sukat lang damdamin, sa boses mong ‘sing tamis ng pulot tuwing bubulong at umaamin—sa ngiti mong delikado para sa akin.

Hindi ko alam paano sasabihin sa mga mata mo nang hindi nanghihina ang mga tuhod ko, pero gustong-gusto kita. Kung hindi ko pa sabihin ‘to, baka sumabog na ako. Okay lang kahit hindi ko ‘yan marinig sa mga labi mo, sapat nang makatabi mo bilang sagot sa mga dalangin ko. Sa buhay kong puno ng kamalasan, ikaw ang swerte kong labis pa sa wagas—isang hiling na naisakatuparan.

Sa bilyon-bilyong bituin na langit, ikaw ang talang lagi kong titingalain.

Tala, kahit ilang barya pa ang abutin ko—o ilang kape pa ang matapon sa akin.

Basta’t hindi ka mawala.

Notes:

thank u for reading !!! i hope u fell in love with the two of them the way i did :))] pease let me know your thoughts everyone xoxo

twt acc: @miihanji

original medium link !