Work Text:
Ano kaya magagawa ko? Patorpe-torpe lang ako… Basta, kaibigan ko na siya, sobrang saya na ‘ko doon…
Inaya ni Hirose ang mga kaibigan niyang pumunta ng Binondo upang makapaglibang para kalimutan ang kainitan ng panahon ngunit si Nakamura lamang ang may oras. Kahit sa lungkot ni Hirose na hindi makakapunta ang iba, ngiting-ngiti pa rin siya na makakasama niya si Nakamura. Ngiting-ngiti naman si Nakamura dahil nagkataon na sila lamang ang magkasama, walang iba.
[8:23 AM, 29 Abril 2026]
Sa sobrang pagod ni Nakamura dahil sa pagbasa ng Loveable Lunches kagabi, mabagal siyang lumakad sa tabi ni Hirose.
“Agang-aga ah… b’at inaya mo ‘ko sa ganitong oras?” Tanong ni Nakamura.
Bigla siyang nagising. “Pero, wala namang problema doon! Tinatanong ko lang…”
Humagikgik si Hirose bilang tugon sa magulong tanong niya. “Sa alam ko, dapat maaga tayo para maiwasan ang ibang tao na pupunta mamayang hapon…”
“Mas-fresh din ang mga binebenta nilang hopia’t siomai! Puwede rin tayo bumili ng takoyaki, paborito mo!” sinabi niya.
Nangamatis si Nakamura. “Ay oo nga, naalala mo… Sa’n ba tayo makakabili nun?” Tumingin siya sa baba at tinago ang kaniyang namumulang mukha.
“Ano, tara?” winika ni Hirose. Nataranta si Nakamura na bigla nalang hinatak ang kamay niya at tumakbo patungo sa iba’t ibang kalsada. Bumilis ang tibok ng puso niya, nahihilo dahil sa pag-ibig. “Heto nanaman si bakla, agad-agad gusto makapunta… kalma, kalma, pupunta lang kayo ng kainan. Engot na lalaki na yan… pa cute-cute pa, alam mo-”
Bigla nalang huminto si Hirose, “At… nandito na tayo! Walang pila o, libre kita?” Nabighani si Nakamura at lumingon patungo sa kamay nilang magkahawak parang matandang mag-asawa. “Ah… oo, sige. Kailangan ko pa naman ng pamasahe pabalik sa LRT.”
Sa bawat kalabkab ng puso ni Nakamura… dug-dug, dug-dug, dug-dug… paunti-unti siyang nahuhulog nang mas lalo sa kulay-kapeng buhok na lalaki na gusto niyang manuyo. ‘Di niya mapigilan at…
“Hirose, salamat, salamat talaga.”
“Bakit naman, ‘di ba tayo kaibigan? Regalo ko na ‘to sa ‘yo, Okutot.”
Natawa si Hirose nang bigla nalang niyakap siya ni Nakamura sa likod. “Totoo, salamat talaga.”
“Ba’t ginagawa ko ‘to??? Napaka-OA mo Okuto, tigil, tigil na!!!”
Ngumiti’t inisip ni Hirose, “Siguro patay-gutom na ‘to…”
“Sige, sige, pili ka na lang diyan kung anong gusto mo. Ako bahala.” sinabi ni Hirose pagkatapos siniko niya’ng dibdib ni Nakamura nang mahina.
Masayang kinain ni Nakamura ang takoyaking binili ni Hirose para sa kaniya. Dumaan sila sa mga neon sign at kumain sa lahat nilang nakikitang kainan, lumibot sila sa buong Binondo bago bumigay ang kanilang mga tuhod sa paglalakad. “Sakit ng katawan ko…” winika ni Nakamura.
Napaisip si Hirose, “Siguro dito matatapos yung gala natin. Tara, punta na tayo sa station.”
Habang lumalakad sila’t nasa platform na, tinanong ni Nakamura, “Oo nga pala… ba’t ako lang sinama mo, diba may iba ka pang kaibigan…?”
“Ahh… may gagawin daw sila. Okay lang naman.” Lumingon si Hirose sa gilid. “Nandito ka naman eh; ‘di ako mag-isa!” tinugon niya nang masigla.
Nagulat si Nakamura na parang may kidlat na dumaloy sa kanyang katawan, “Ganon pala, salamat naman! Na-miss ko talaga yung Binondo, naalala ko nung pumunta tayo kasama ng mga kaklase natin… sobrang saya ako nun.”
“Dahil sa pugita na nakita mo sa tangke?” tanong ni Hirose.
Inisip ni Nakamura na sabihin ang totoong-totoo ngunit… “Ah, oo! Alam mo naman ako, gusto ko yung mga ganon… at ikaw… Char!”
Tumawa si Hirose at nakita niya ang dumarating na tren. “Northbound ka diba? Southbound pa kasi ako, may pupuntahan pa ‘ko.”
“Ay oo… so, this is goodbye...” binulong ni Nakamura.
“For now… kulit mo talaga.” binulong ni Hirose.
Pumasok si Nakamura sa tren at kumaway nang mabilis kay Hirose.
Kinopya ni Hirose ang galaw ni Nakamura. “Ingat ha!”
Nangamatis ulit si Nakamura at umupo habang nagsara ang mga pintuan ng tren. Tinignan niya ang kanyang selpon na punong-puno ng mga imahe nila sa Binondo.
Habang hinihintay niya ang estasyon niya, pinikit niya ang kanyang mga mata, at hinawakan ang puso at inisip…
“Ako si Nakamura Okuto. Isa akong ordinaryong mag-aaral na mahiyain, bakla, at umiibig kay Hirose Aiki.”
